Nakahuli ka na ba ng Rabbit?

January 30th, 2009 Posted in Nakita Ko | 2,281 Comments »


May training daw na ginagawa sa mga race dogs o asong pang-karera sa Florida, USA. Meron daw silang isang mechanical rabbit na pinatatakbo nila ng mabilis. Tapos yung mga nakakulong na asong pang-karera pakakawalan para mag-unahang habulin yu’ng rabbit. Pero dahil mas mabilis talaga yu’ng robot na rabbit hindi talaga nila ito maaabutan. Kaya masasanay lang silang tumakbo ng mabilis na hindi naman talaga nila mahuhuli yu’ng rabbit.

 

Pero minsan daw nasira yu’ng mechanical rabbit. Naabutan ito ng mga asong humahabol. Sa wakas! Nahuli rin nila yu’ng rabbit!

 

Ano ang ginawa ng mga aso?

 

Eh ‘di wala! He! He!

Una sa lahat hindi naman totoo yu’ng rabbit kaya hindi naman nila pwedeng patayin o lapain o kainin yu’n. (Sorry po. Medyo gory.)

 

Well, ang mga obvious rin na nangyari ay ito. Huminto na sila. Wala ng hinahabol eh. Yu’ng iba namang aso nagkakakahol na lang. Yu’ng iba nagpaikot-ikot du’n sa hindi totoong rabbit. Inaamoy-amoy. Pinag-aaralan ano ba itong ang tagal na nilang hinahabol!

 

Kung huhulaan ko yu’ng mga “iniisip” o “sinasabi” nu’ng mga asong yu’n malamang ganito:

 

“Heto! Heto na yu’n! Heto lang yu’n! Anak ng aso naman o!” (Sorry po. ‘Wag nyo pong i-inglesin ha! Eh talagang nainis yu’ng mga aso eh. Feeling nila nagoyo lang sila! ‘Di ba?)

 

“Wala na ba’ng ibang hahabulin?” “Ano na ang hahabulin natin?” “At kung may ipapahabol kayo yu’ng totoong rabbit please ha!” “Baka magka-onsehan na naman…”

 

Ang mga tao nga naman, ku’ng paglaruan ang mga hayop. Tsk… tsk… tsk…

 

Mga kapatid, alam niyo ba na madalas nangyayari din sa ating mga tao ‘yan?

 

Yu’n ba’ng tipong may pinahabol sa ‘yo. O talagang hinabol mo. Hinabol ng hinabol ng matagal na panahon, gamit ang iyong buong lakas, talento, talino at buong buhay na nga. Hanggang sa wakas, nahuli mo rin!

Tapos na-diskubre mo fake pala! Yu’n lang pala yun!

 

Wow, Pare. Nagkalokohan ah!

 

O kaya ok naman yu’ng nahabol at nahuli mo. Ang saya mo nga eh. Patalon-talon ka pa. Naiyak ka pa siguro. Pero ‘di naglaon, unti-unting nasasabi mo sa sarili mo, “Eto na yun? Bakit parang kulang. Bakit para’ng dapat may iba pa’ng habulin at mahuli na mas sulit! Mas totoo!”

 

Medyo gets mo na ba?

 

Sige bigyan kita ng sampol ng mga hinahabol, nahuhuli pero ‘di maglalaon madidiskubre mo hindi pala yu’n ang tunay mo’ng hinahanap. 

 

Pera. Kapangyarihan. Posisyon. Kasikatan.

 

Hindi masama ang mga ya’n, Kapatid. Katunayan pwede at dapat mo’ng gamitin ang mga ‘yan sa tunay at totoo mo’ng gustong makamit.

 

Pero kung paniniwalain mo ang sarili mo na yan’g mga ya’n na nga ang layunin ng buhay mo, Kapatid, be ready for a surprise - or for disappointment and disillusionment, na hahantong sa depression and despair. Dahil mahuli mo man ang mga ya’n – sa una - masaya. Matagumpay. Pero ‘di maglalaon tiyak hindi ka pa rin makukuntento. Lilipas, mauubos at mawawala ang mga ya’n. Pero dahil akala mo nga na diyan lang nakasalalay ang lahat, hahabulin mo ng hahabulin hanggang sa maubusan ka na ng lakas, buhay, at katinuan sa paghabol o pagkapit sa mga ito.

 

Unless madiskubre mo agad na hindi pala ito ang talagang gusto mo’ng makamit. Meron pa palang mas higit na mahalaga. Mas nananatili. Mas totoo.

 

Kapayapaan. Kaligayahan. Buhay. Pagbabago. Pananampalataya. Pag-asa. Pag-ibig.

 

Na nakakamit sa pagmamahal sa kapwa.

 

At sa Diyos.

 

Kaya Kapatid, maaga pa lang tignan mo na yung hinahabol mo ha?

 

Baka fake na rabbit lang pala!

 

 

 

Watch the All New “NAKITA KO” with Alvin Barcelona everyday at 3:00pm and 8:30pm on TV MARIA, Channel 12 (Dream Cable) and Channel 93 (Destiny Cable).

 

Magkita-kita po tayo!

Pasko na! Bagong Taon na! Ano’ng Feel Mo? Ano’ng Tingin Mo?

December 17th, 2008 Posted in Nakita Ko | 549 Comments »

Ako, sobrang blessed sa taong 2008!

Ako at ang aking banda – ang Himaya – ay nagkaroon ng National Concert Tour (Luzon, Visayas at Mindanao). Walang tigil ang aming mga imbitasyon mula sa mga schools, associations, church communities, companies at sa aming ministries (sa jail, sa home for the elderly) at sa marami pang iba.

Nakarating rin ako sa Amerika, coast to coast pa – mula San Francisco (hindi DelMonte ha!) hanggang New York (hindi rin Cubao). Nakabalik ako ng Canada. Sinama uli ako ng kaibigan at mentor kong si Bo Sanchez, kasama ng mga kapwa kong Kerygma Preachers na sina Adrian Panganiban at George Gabriel, sa isang Healing Love Concert Tour sa North America.

Nagsimula rin ang aking TV show – NAKITA KO – na ngayon ay araw-araw nang pinalalabas sa TV Maria (Channel 12 sa Dream Cable at Channel 93 sa Destiny Cable). Dalawang beses pa sa isang araw tuwing alas 3 ng hapon at alas 8:30 ng gabi.

Ang dami ko pang hindi na mabilang at mabanggit na blessings.

At ang pinaka-importanteng blessings ko ay mas marami akong naging panahon sa aking pamilya (sa asawa kong si Tes at anak kong si Aio). Sa kabila ng aking pagiging super busy regular ang aming “Tuesdates” ng asawa ko at Family Dates kasama ng anak ko. (Minsan ang “dates” namin sa bahay lang – kakain, manonood ng DVD, kakain, maglalaro ng table tennis, kakain…) At mas maraming kwentuhan, tawanan, games, pasyalan at siyempre, kainan! Sobrang “busog” sa saya ko sa aking pamilya!

Pero alam niyo, pwede ko rin sabihing – nakakapagod ang taong ito! Pumayat tuloy ako! Puro gastos pa! Ang daming nangutang sa akin (na nakalimutan nang magbayad)! At ako man, may mga utang pa rin! Puro problema at pagsubok! Pumunta kami sa Mindanao – nag-giyera. Nakakatakot! Bumiyahe ako ng U.S. – recession! Nakaka-depress! Pag-uwi ko sa Pilipinas - si Joc-Joc naman! Nakaka-praning! (Dagdag mo pa yung takot sa melamine, at pati away ni Nadia at ni Cristy Fermin. Haaay!!! Nakakaloka!).

Pero hindi dito nananatili ang isip ko! Hindi ito ang ala-ala ng 2008 ko!

Dahil kung bibilangin at titimbangin - mas lamang na lamang pa rin ang mga blessings!
Hindi ko sinasabing wala akong pakialam sa nangyayaring katotohanan sa paligid o sa lipunan – basta “blessed” ako. Hindi po. Katunayan kaya nga po kami madalas sa Mindanao (hanggang Jolo) ay para sa mga PEACE at FAITH Concerts. Yung isa nga naming event ay dun mismo sa Iligan isang araw bago nilusob at binomba ito! Nandun ako sa Senado nu’ng hearing ni Joc-Joc! At nagsalita ako laban sa RH Bill!

Hindi ko rin sinasabing wala akong problema. Tulad mo, marami ako niyan! Pero kahit totoong patuloy nga ang mga pagsubok – sa aking personal na buhay, sa lipunan, at sa buong mundo - hindi nito kaya at hindi nito dapat nakawin ang galak, kapayapaan at pag-asa sa aking puso!

Totoong paulit-ulit kong naririnig na pahirap ng pahirap ang buhay. Babagsak ang world economy dahil sa Wall Street collapse. Madalas at sobrang lakas na ng mga lindol, bagyo, tsunami, hurricane! Heto na ang global warming! Susunod ang global cooling! Lulubog na ang mga isla (kasama ang Pilipinas)! Ba’t hindi na lang sabihin na magugunaw na ang mundo at mamamatay na tayong lahat!!! (Kung sabagay naririnig ko rin ‘yan palagi sa mga “doomsday prophets”).

Pero Kapatid, isipin mo! Ganyan din ang sabi natin nu’ng magsisimula ang 2008, ‘di ba?

Nag-alala tayo. Natakot! Nag-panic!

Pero tingnan mo – buhay ka pa! (Binabasa mo pa ito, ‘di ba?)

Ano’ng ibig sabihin?

Nakaraos ka! Nalagpasan mo ang mga pagsubok sa taong ito. At hindi lang basta nakaraos. Nakakatawa ka pa! Nangangarap ka pa! Nagtagumpay ka!

Ganu’n din ang naramdaman mo nu’ng pumasok ang 2007! Nu’ng 2006! Noon ngang 2000 akala natin babagsak na ang lahat dahil sa millenium bug! Nu’ng 1999 sabi end of the world na. At kahit nu’ng 80’s, 70’s, 60’s – marami na ang nagsabing katapusan na ng mundo!

Pero buhay pa rin tayo! Umiikot pa rin ang mundo!

Again, hindi ko sinasabing huwag balewalain ang mga nangyayari sa ekonomiya, sa environment, at sa iba pang mga national at global concerns.

Ang sinasabi ko lang ay imbis na ma-praning tayo ang alalahanin natin ay ito:

Kung napagtagumpayan natin ang nakaraang taon – at ang mga nakalipas pang mga taon - mapagtatagumpayan rin natin itong darating na taon – at ang mga susunod pa!

Bakit?

Dahil may Diyos!

May nagbabantay sa atin. May nag-aalaga. May nagliligtas. May nagmamahal.

Ang Epektibong Panalangin!

September 9th, 2008 Posted in Nakita Ko | 684 Comments »

Minsan may dalawang magkaibigang lalaki na nakasakay sa kotse. Ang isa’y nagmamaneho habang ang isa’y katabing nakaupo sa harapan.

Malapit na sila sa kanilang pupuntahang isang liblib na lugar ng biglang may nakita silang malaking kahoy na nakaharang sa gitna ng kalye.

“Naku, pa’no tayo makakadaan nito! Ang laki ng kahoy na nakaharang,” ang nanlulumong pahayag ng nagmamaneho.

“Madali lang ang solusyon d’yan,” ang sagot ng katabing kasama na isang relihiyoso at madasaling tao.

“Kailangan magdasal tayo! Ipagdasal natin na mawala ang kahoy na iyan. Walang imposible sa pagdarasal!” At nagsimula na ngang magdasal ng taimtim ang lalaki na nakapikit pa.

Habang nagdarasal nga ang kasama, bumaba ang kaibigang driver at lumabas ng kotse. Pinuntahan ang malaking kahoy at sinubukang buhatin at itabi. Pero mabigat talaga ‘yung kahoy.
Napadilat ‘yung kasamang nagdarasal sa kotse. Nakita ‘yung kasama na pinipilit buhatin ‘yung nakaharang na kahoy kaya’t sumigaw ito.

“Brod, hindi mo mabubuhat ‘yan! Hindi ka kasi nagdadasal. Samahan mo akong magdasal at kita mo, magkakaroon ng solusyon ‘yang problema!”

Sumunod naman ‘yung mamang driver. Pumikit pa ito at nagdasal ng ganito:

“Panginoong Diyos, may malaki po akong problema. Hindi ko mabuhat itong malaking kahoy na nakaharang sa daan. Pwede po pakisabi sa kasama ko na kung tutulungan niya akong buhatin ito ay makakaya naming itabi ito! Amen!”

Narinig ng kasama ang panalangin. Natauhan! Bumaba at tumulong buhatin ang kahoy. Nabuhat nga nila! Naitabi at nakadaan sila ng mahusay.

- - -

Kapatid, nananalangin ka ba? Sigurado, oo.

May mga panalangin ka rin ba’ng mukhang hindi sinasagot o ‘di kaya’y walang resulta hanggang ngayon? Malamang meron din.

Bakit kaya?

Maraming posibleng dahilan. Maaring hindi pa panahon. O kaya’y mayroong mas magandang inihahanda sa iyo ang Diyos na nakikinig sa iyong mga dasal.

Pero posibleng meron ding isang dahilan.

Baka kulang ito sa gawa - sa sipag at sa pagsusumikap – sa aksiyon!

Marami akong kilala na nananalanging magkapera. Pero nu’ng binigyan ng pagkakakitaan, ng trabaho o ng isang proyekto – hindi sumipot, hindi tinapos ang proyekto, o hindi inalagaan ang trabaho.

Pagkatapos magtatampo sa Diyos na bakit ginawa silang mahirap. Bakit mapait sa kanila ang kapalaran!

Marami akong kilala na nagdadasal na huwag silang magkakasakit. Pero ayaw huminto sa bisyo. Laging nagpupuyat at inaabuso ang katawan. Mahilig sa mga taba at ayaw ng gulay. Walang panahon para mag-exercise.

‘Pag nagkasakit tatanungin ang Diyos. “Bakit ako pa?” Nagdadasal naman ako!

May mga kilala akong nagdadasal na sana maging masaya ang kanilang pamilya, ang relasyon nila sa loob ng tahanan. Pero ayaw nilang mag-usap-usap. Walang panahon sa isa’t-isa. Ayaw magbukas ng kanilang mga kalooban. Ayaw magpasalamat, magpatawad o humingi ng tawad. At ilang na ilang na magsabing “I love you!” sa kapamilya. (Pero kung sa ibang tao, beso-beso pa!)

At tsaka sasabihing malas talaga sila sa pamilya. Madamot ang tadhana.

May mga estudyanteng nagdadasal na pumasa sa exam, hindi naman nagre-review! May mga nagdadasal na maging varsity players, maging rock o pop stars, maging dancing masters, pero tamad namang mag-praktis o magpakahusay pa sa kanilang mga abilidad!

Sa madaling salita ang gusto ng iba sa dasal – “MAGIC”! Parang “abrakadabra” – “tadaaaaan!!!” Tapos hayan na! Bigay ng genie!

Kapatid, totoong walang imposible sa Diyos. Totoong makapangyarihan ang panalangin, na nakabatay sa pananampalataya! Pero totoo ring “ang pananampalataya na walang gawa ay patay.”

At hindi po ako ang nagsabi niyan. Ang banal na kasulatan po.

Dahil gusto ng Diyos gamitin mo naman ang mga abilidad, talento, kakayahan, kaalaman, katangian, at kapangyarihan na ibinigay Niya sa ‘yo!

Kaya kung gusto mong maging epektibo ang iyong panalangin – umaksiyon ka!

Pero tandaan: magandang magsimula ito sa panalangin, para pag-aksiyon mo, may direksiyon, may inspirasyon, may lakas, may gabay at may tagumpay!

At sa tagumpay ng iyong pagsusumikap, magbalik muli sa panalangin – at lalong magkakaroon ng kahulugan at kabuluhan ang lahat.
- - -

Abangan sa Oct. 5, 2008 ang “NAKITA KO” sa TV.

Magkita-kita po tayo!

BIGO ang KRISTIYANISMO… (?)

July 16th, 2008 Posted in Nakita Ko | 995 Comments »

Minsan may nagkasabay na pasahero sa tren. Ang isa’y pari at ang isa’y ahente ng mga beauty and health products. Dahil mahaba ang biyahe nagkwentuhan sila. Unang nagsalita ang salesman.

“Father, ‘wag po kayong magagalit, pero ‘yang “produkto” po ninyong Kristiyanismo ay isang malaking pagkabigo!

Nagulat si Father sa sinabi ng salesman at tinanong, “Bakit mo naman nasabi yun?”

“Father, tingnan niyo po. Sa mga dinadaanan lang natin ngayon makikita n’yo ang maraming taong walang disiplina, walang moralidad, at nahuhumaling sa masasamang bisyo. Hindi sila pinagbago ng Kristiyanismo. Kaya bigo po ito, Father.” ang kumbinsidong sagot ng ahente.
Tumahimik si Father. Nang makita ang mga binebentang produkto ng ahente sumagot siya. “Alam mo, huwag ka ring magagalit pero ya’ng binebenta mo’ng mga beauty and health products ay isang malaking pagkabigo.”

Nagulat ang ahente kaya’t mabilis na sumagot, “Bakit mo naman nasabi yun, Father?”

“Eh, tingnan mo na lang sa mga dinadaanan natin. ‘Di ba marami pa ring mga pangit at mga mukhang malnourished?” ang bawi ni Father.

“Ahh, teka Father, ‘yang mga taong ‘yan hindi po gumagamit ng mga produkto ko ‘yan. Kung bibilhin lang nila at gagamitin ng tama itong mga produkto ko sigurado ko tagumpay ang epekto nito sa kanila,” ang madiing pagdepensa ng ahente.

Read the rest of this entry »